Thursday, December 3, 2009

Isang maliit na regalo para sa maliit ba batang tulad ko!

Maggagabi na nang umuwi ako sa amin at habang ako ay naglalakad naramdaman ko ang lamig ng umiihip na hangin. Tumingin ako sa aking paligid at maraming makukulay na parol ang nakasabit. Isa lamang ang ibig sabihin nito, ilang araw na lamang at ipagdiriwang na muli natin ang pasko. Yehey! Naaalala ko na tuwing pasko napakaliwanag ng mga nagkikislapang ilaw sa ating paligid at para bang nakakalimutan ko ang lahat ng problema.Ibang klase talaga! Ang mga tao naman ay masasaya na nagkakantahan, nagdiriwang at nagbibigayan. Isa ito sa mga paboritong araw na inaabangan ko sa pagdating ng katapusan ng taon simula pa noong kabataan ko. Katulad ng aking mga kababata noong panahong ding iyon, ako ay nakaabang sa mga bagong regalong aking matataggap mula sa aking mga magulang, ninong at ninang.

Ako ay isang taong gulang at kalahati noong ipagdiwang namin ang pasko ng taong 1862. Kaming dalawa ng aking nakababatang kapatid na si Concepcion ay sanggol pa lamang kumpara kina Saturnina, Paciano, Narcisa, Olympia, Lucia at Maria. Naparami naming magkakapatid ano?! Kami pa lamang ni Concepcion ang bunso noon, ngunit sa paglipas ng panahon ay darating sina Josefa, Trinidad at Soledad. Haaaaay… Kaya’t wag kang magtataka kung bakit parang nagkakagulo at maingay ang bahay namin, ano pa nga ba?! Kung labing-isa kaming magkakapatid, magulo talaga, parang may giyera parati… pero ang totoo niyan, masaya naman kami! Siguradong nahirapan ng todo ang mga magulang namin na alagaan kami ng aking mga kapatid, lalo na’t sunud-sunod at sabay-sabay kaming lumalaki sa mga panahong iyon.

Hindi tuloy nakapagtataka kung bakit ang unang regalong natanggap ko ay...

isang maliit na arinola.

Ang bunso kasi naming si Concepcion noong panahon na iyon ay ang mas nangangailangan ng ginagamit kong lampin. Malamig pa naman tuwing panahon ng Disyembre kaya lalong naging madalas ang pagpapalit ng

lampin tuwing ito ay nababasa. Kaya naging maaga ang pagtuturo saakin ng aking mga magulang na gumamit ng arinola. Nabanggit ng aking propesor noon sa sikolohiya na ayon sa mga pag-aaral, ang batang maagang tinuruan ng pagamit ng arinola ay lalaking mas responsible, maingat at malinis sa gamit. Marahil ito ang dahilan kung bakit paminsan-minsan ay nagpapakita ako ng senyales nang pagiging “OC” o ‘obsessive compulsive’, hindi lamang sa aking mga gamit o pananamit, ngunit pati rin sa aking pagsulat ng mga nobela. Hindi ko makakalimutan ang regalong ito dahil ito ang isa sa mga unang bagay na aking natutunan bilang isang bata.


Magpapasko nanaman muli, ano nanaman kaya ang regalong matatanggap ko?! Kayo naman, baka sabihin n’yong isip bata ako. Na sa tanda kong ito, regalo pa rin ang inaabangan ko tuwing pasko. Siyempre ako naman ay mamimili rin para sa aking mga inaanak ng kanilang mga regalo. Pero sindali, mukang naitago ko pa ang dati kong arinola, pwede na kaya yun?! Nagtitipid ako eh. Hahaha. Biro lang.

Pero naunawaan ko na na hindi lang mga regalo ang dala ng pasko. Madaming magagandang bagay ang dulot nito para sa bawat isa at sa ating bayan. Kahit isang araw sa isang taon, tayo ay nagkakaisa, nagsasaya at nagmamahalan. Ito ang maliliit na bagay na maaari nating ibahagi sa kapwa. Di ba’t ito ang mas magandang regalo maibibigay natin sa bawat isa?! Kung pwede lang sana araw-araw nalang ay pasko.

Kayo, ano naman ang unang regalong natanggap ninyo sa pasko? Nagdulot ba ito ng epekto sa inyong pagkatao tulad ng saakin?


|Paola Balmaceda|

No comments:

Post a Comment