Thursday, December 10, 2009

Ang Misadventures ni Pepe: Unang Yugto

Kanina habang naglilinis ng kwarto, natagpuan ko ang diary ko noong bata pa lamang ako. Ang unang unang isinulat ko doon ay tungkol sa unang araw ko sa kindergarten. Natuwa ako masyado kaya irerepost ko dito para matuwa rin kayo…

Dear Diary,

Heto na ata ang pinaka masayang araw sa buong buhay ko. Finally, napaamin ko na siya, naipasabi ko na sa aking pinakaminamahal na si KC Conception ang matamis na “ikaw ang mahal ko Pepe, ikaw lang at wala nang iba.” At kung hindi pa sapat yun, unti-unti siyang lumalapit saakin upang ako ay halikan, habang binibigkas ang aking pangalan. “Pepe..Pepe…”

“Pepe!” Napabangon ako bigla sa lakas ng sigaw ni inay. Panaginip lang pala ang lahat. Bad trip. Akala ko makaka-iskor na ko. Tsk. Mabawasan nga ang panonood ng Lovers in Paris. “José Protasio Rizal Mercado y Alonso Realonda, bilisan mo na at mahuhuli ka na sa unang araw ng klase!” Dalawang bagay ang pumasok sa isip ko nang sumigaw si inay. Una, tepok na talaga ako at isinigaw na ni inay ang buo kong pangalan, ibig sabihin noon ay nagngangalit na siya sa galit. Pero mas ikinasabik ko ang ikalawang nagabggit ni inay. Unang araw ng klase. Sa wakas, papasok na ako sa school! I mean, oo magaling nga magturo si inay at lahat, pero biruin mo yun, papasok ako sa totoong eskwelahan! Makakahalubilo ako sa mga batang tulad ko.

Wala ng panahon para maligo kaya’t nagsipilyo nalang ako at dali-daling isinuot ang bago kong polo na, salamat kay nanay at sa Tide, ay maaliwalas at maputi. Isinuot ko rin ang bago kong itim na slacks at itim na sapatos. Pagkapanaog ko sa hagdan, abot taingang nakangiti ang nanay sa dulo ng hagdan, habang hawak ang aking backpack sa isang kamay, at ang Power Rangers ko naman na lunch box sa kabila. Tapos, biglang nabura ang ngiti sa mukha niya at dali-daling nagdikit ang kanyang mga kilay. “Anak naman! Hindi ka na nga naligo, hindi ka pa nagsuklay!” halos ibato niya saakin ang aking mga gamit, umalis saglit at bumalik na may hawak na suklay. “Siya nga pala Pepe, binaunan kita ng paborito mong adobo't kanin” ang sabi ni nanay pagkatapos niyang suklayin ang buhok ko, sabay halik sa noo. Pagkatapos noon ay sumakay na ako sa carramota at naglakbay patungong Binan.

Ang “eskwelahan” pala namin ay isang maliit na bahay kubo, na bahay rin pala ng aming guro. Ang unang tanong saakin ng aking guro ay kung marunong daw ba ako mag salita ng Kastila at Latin. Pinagtawanan ako ng aking mga kaklase ng sabin ko na konti lamang ang alam kong bigkasin na mga salita sa nasabing mga wika. Ginatungan pa lalo ng isa kong kaklaseng si Pedro; hindi lang niya ako pinagtawanan ng malakas, idinamay pa niya ang “emo” kong buhok sa usapan. Aba’y masyado na talaga ‘tong batang ito! Kaya noong hapon, habang nag sisiesta ang aming guro, hinamon ko si Pedro sa isang wrestling match at ako ay…NANALO. Akala niyo talo ako noh? Aba’y idol ko ata ang Tiyo Manuel ko!

Madami pa sana akong gustong ikwento tungkol sa unang araw ko sa klase, ngunit tinatawag na ko ni tiya at luto na daw ang hapunan. Oh siya, bukas ko nalang itutuloy.


XOXO, Pepe


Stephanie Oentoro


No comments:

Post a Comment